Wednesday, February 20

Tutulan at Labanan ang 10% na Pagtaas ng Matrikula at Iba pang Babayarin sa UC

Immoral na pinapanukala ng UC admin ang 10% na pagtaas ng matrikula at iba pang babayarin ng mga estudyante ng UC sa susunod na pasukan ng walang pagsasaalang-alang sa pangkabuang kalagayang sosyo-ekonomiko ng mga mag-aaral ng UC. Immoral ito sapagkat sa gitna ng matinding kahirapan at kagutuman na dinadanas ngayon ng mamamayang Pilipino sa panunungkulan ng pekeng pangulong si Gloria Arroyo ay sumigunda pa ang admin ng UC sa pagpapahirap sa bulsa ng mga magulang at mga nagpapa-aral sa atin. Hindi naman tumataas ang sahod ng mga magulang nating manggagawa at abot-langit ang presyo ng batayang bilihin ay walang pusong na namang nagpanukala ang admin ng mga dagdag na bayarin.
Ayon sa kakaraampot na mga nakapaskil na paunawa ng admin ay P32.7 ang idagdag kada yunit o P7,556.85 kada trimester sa regular load na 21 units o tumataginting na P22,670.55 kada taon ang babayaran ng bawat isang estudyante ng UC sa trisem batay sa panukala ng admin.
Hindi pa kasama dito ang iba pang babayarin o miscellaneous fees na magtataas din ng 10%. Iba pang usapin ang pagkakadoble (redundant) at hindi napapakinabangan ng estudyante ang binabayarang miscellaneous fees. Halimbawa, minsan lang sa isang taon nagaganap ang Intrams at Palarong Pambansa ngunit tatlong beses (2x sa semestral)na maningil ng Athletics at Palaro Fees ang admin bukod pa sa hindi magamit ang gym ng ordinaryong estudyanteng gustong maglaro kahit pa walang nagpapraktis na mga varsity; sa istriktong kapahulugan ay dapat nakapaloob na sa medical ang pangangalaga sa oral health ngunit naniningil na ng Medical Fee ay meron pang Dental fee at; ang Cultural at Audio-Visual Fees na hindi maipaliwanag kung ano ang pagkakaiba; at syempre pa ang LIMAD fee na mapanlinlang na ikinategorya sa ilalim ng miscellaneous fee ngunit sa katunayan ay dapat sakop na sa matrikulang binabayaran natin.
Kalakhan sa mga miscellaneous fees na ito ay ipinangako ng admin na tatanggalin, pagsasamahin o babawasan noong nakaraang konsultasyon (SY 2007-08) ngunit, tulad ng mga pulitiko sa MalacaƱang, ito ay napako.
Noong nakaraang taon ay deadlock ang nangyaring “konsultasyon” sa pagitan ng estudyante at admin. Ngunit sa kabila nito, pagsapit ng pasukan, ay laking gulat ng mga estudyante nang ipatupad ng admin ang panukala nitong 6% na pagtaas sa matrikula at iba pang babayarin!
Walang isang salita at walang kredibilidad ang admin ng UC na ipatupad ang ipinangako at pinagusapan sa loob ng konsultasyon. Ngayong Pebrero 28, Huwebes, ay muling lilinlangin, papaikot-ikutin at lolokohin na naman ng admin ang mga estudyante sa isang moro-moro at makaisang-panig na konsultasyon. Sa karanasan ang admin ang may hawak ng programa, mikropono at mga EMCEES sa mga “konsultasyon” at ang mga estudyante at guro ay itinalagang mga pasibong tagapakinig at mga di nagiisip na robot.
Ngunit natuto na tayo sa karanasan. Sa pagkakataong ito kailangang maipakita ang nagkakaisang lakas ng mga estudyante ng UC. Kung kayat ngayong Huwebes, Pebrero 21, ay ipapakita natin sa sama-sama nating pagkilos, sampu ng ating mga guro, magulang at alumni, ang mariin nating pagtutol sa pagtaas ng matrikula at iba pang babayarin sa isang period na walk-out mula 11:30 NU hanggang 12:50 ng tanghali sa harap ng main gate ng UC.
Ang walk-out rally na ito ay magsisilbing alas natin pagdating ng konsultasyon sa Pebrero 28 para makipagbargain sa admin. Magsisilbi itong babala sa admin na kapag pinatupad nito ang mga masasama nitong pakana ay kayang ipagtanggol ng mga estudyante ang kolektibong interes nito sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos. Kailangan nating maigiit ang boses ng estudyante sa loob ng konsultasyon at maitransporma ito bilang forum para sa pagtataguyod ng karapatan at kagalingan ng estudyante at kaguruan ng UC.
Kailangan lamang na magpakatapang at huwag tayong matakot sa anumang banta ng pananakot, pambabraso, panggipit at panlilinlang ng admin upang pigilan ang pagkilos at pagkakaisa nating mga estudyante. Ang Konstitusyon ng Pilipinas—ang pinakamataas na batas sa bansa—ay gumagarantiya sa ating karapatan sa malayang pagmamahayag, self-expression, pag-oorganisa, mapayapang pagtitipon at pagtutol. Walang anumang batas, ayon sa art. 3 sec. 4, ang pwedeng ipasa ninuman, kasama na ang UC admin, na sasagka sa mga kalayaang nabanggit. Nasa panig natin ang Konstitusyon at higit sa lahat ay wasto at makatarungan ang ating ipinaglalaban para sa ating karapataan sa de kalidad at abot-kayang edukasyon na siyang mithiin ng ating mga magulang para sa atin.

Estudyante at Guro ng UC Magkaisa!
No to Tuition and other fee increase (TOFI)!
Scrap LIMAD fee!

Sumama sa Walk-out Laban sa
Tuition & Misc Fee Increase
Huwebes, February 21, 11:30-12:50, UC Main Gate


ANAKBAYAN UC Chapter
Salidummay UC Chapter
Progressive Igorots for Social Action (PIGSA) UC Chapter

No comments: