Sunday, January 20

Kabataan Kaisa sa Paggunita sa Mendiola Massacre

Kaisa ang mga kabataan, sa pangunguna ng ANAKBAYAN, sa milyon-milyong magsasaka’t manggagawang bukid na gumugunita sa ika-20 taong anibersaryo ng mendiola massacre. Noong Enero 21, 1987, libo-libong magsasaka ang nagtungo sa Mendiola, paanan ng Malakanyang, upang magprotesta laban sa patakarang Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ng dating pangulong Corazon Aquino. Pinaulanan ng bala ng mga pulis sa ilalim ng noo’y hepe ng Maynila na si Alfredo Lim ang mga magsasaka habang nagmamartsa. Ikinasawi ito ng ilang magbubukid at ikinasugat ng marami pa.

Pahayag ni Jonathan Labay, Tagapangulo ng ANAKBAYAN Metro-Baguio, “Nais lamang nila ng tunay na repormang agraryo laban sa pyudal at malapyudal na pagsasamantala sa kanayunan. Namatay sila para sa makatarungan at makauring interes ng masang anakpawis. Maraming pamilya ng magsasaka ang naulila sa nasabing masaker. 20 taon na ang nakalipas ngunit patuloy na buhay sa marami pang magsasaka na nakikibaka para sa kanilang demokratikong interes sa lupang kanilang ipinaglalaban.”

Binatikos din ni Labay ang pagmamalaki ng gobyerno sa mga tagumpay ng CARP sa pagpapamahagi ng lupa sa mga magsasaka. Ani Labay, “Bogus na reporma sa lupa ang CARP dahil naging kasangkapan lamang ito upang lalong maangkin ng mga panginoong maylupa ang ekta-ektaryang mga taniman at bukirin. Ang CARP ang ginamit na tungtungan ng mga Aquino upang patuloy na ariin ang Hacienda Luisita. Ang kasong ito at ang patuloy pang pagkontrol ng iilang panginoong maylupa sa malalawak na parang ay pagpapakita lamang na bigo ang CARP na maging repormang agraryo.”

Para kay John Silverio Saligbon, tagapagsalita ng League of Filipino Students – Metro Baguio, patuloy na hikahos sa kasalukuyan ang kalagayan ng mga magsasaka dahil na rin sa iba’t ibang anti-masang polisiya ng rehimeng US-Arroyo. “Naging bingi at bulag ang rehimeng US-Arroyo sa mga panawagan ng mga magsasaka 20 taon ang nakalipas sa Mendiola. Wala itong pampulitikang inisyatiba para maglunsad ng pagbabago sa agrikultura bagkus lalo pa nitong pinasidhi ang malapyudal na pagsasamantala. Dahil na rin sa liberalisasyon sa agrikultura, na malinaw sa Kordilyera, bumabaha ang mga dayuhang produktong agrikultural dahil wala o napakaliit ng taripang binabayaran nito. Bagsak ang kabuhayan ng mga magsasaka dahil nilalamon at nilulugi nito ang mga lokal na produkto. Ang patakarang ito ay isinulong at pinangalagaan ng rehimeng US-Arroyo ayon na rin sa susog at dikta ng World Trade Organization, na malakas na impluwensyado ng imperyalistang US. Ito ay malinaw na pagpapakapapet ni Arroyo sa mga polisiya ng imperyalistang globalisasyon.”

Sinabi ni Labay na sa paglaban at pagkilos lamang, kasabay ng pagpapanukala sa konggreso, maisasakatuparan ang panawagan ng mga magsasaka para sa tunay na reporma. Dahil walang makabuluhang pagbabagong maasahan sa rehimen, sinabi ni Labay na marapat lamang na ang mga pakikibakang magsasaka at anti-pyudal ay isanib din sa mas malawak na kampanyang pagpapatalsik sa anti-magsasakang rehimen ni Arroyo.

Suportado din ng ANAKBAYAN ang House Bill 3059 o Genuine Agrarian Reform Bill na ipinanukala ng mga progresibong party-list sa kongreso tulad ng Bayan Muna, Anakpawis, at Gabriela para sa pagbabasura ng CARP at pagsusulong ng isang tunay at makabuluhang repormang agraryo.

Reference:

ANTONI KARL RIVA
Pangalawang Tagapangulo para sa Luzon, ANAKBAYAN
09286225904

No comments: