Sunday, January 20

People Power II ginunita ng mga Kabataan Pagpapatalsik kay Arroyo Palalakasin

Ipinagdiriwang ng mga kabataan at estudyante mula sa mga militante’t progresibong organisasyon, sa pangunguna ng ANAKBAYAN at League of Filipino Students (LFS), ang ika-pitong taong anibersaryo ng tagumpay ng tinagguriang “People Power 2.” Matatandaang mula Enero 17-20, 2001, gumuhit sa kasaysayan ng Pilipinas ang pagkilos ng mamamayan upang ipanawagan ang pagpapababa sa pwesto ng dating pangulong Joseph Estrada. Ito ay nagresulta sa tuluyang pagpapatalsik ng naturang presidente noong huling araw ng mga pagkilos.

Ayon kay Jonathan Labay, tagapangulo ng ANAKBAYAN – Metro Baguio, “Rumurok sa humigit-kumulang 1.2 milyong mamamayan ang nagpunta sa EDSA noon upang ipakita ang kanilang disgusto at protesta laban sa noo’y nabubulok at isolated na rehimeng US-Estrada. Makasaysayan din ang pagmarsta ng 75,000 taong-bayan patungong Mendiola upang lubos pang bigyang presyur si Estrada upang bumaba na sa poder. Ipinapakita ng mga ganitong pangyayari sa kasaysayan na ang sambayanang Pilipino ay handang kumilos laban sa isang rehimeng hindi naglilingkod sa bayan. Manipestasyon din ito ng lakas ng sama-samang pagkilos na kayang magpatalsik ng pangulong anti-mamamayan.”

Binigyang diin ni Labay ang mapagpasyang papel na ginampanan ng mga kabataan at estudyante sa kampanyang pagpapatalsik kay Estrada. Banggit niya, “Hindi maisasantabi na isa ang kabataan sa mga mapagpasyang salik sa kilusang nagpatalsik sa dating pangulo. Libo-libong kabataan ang sumali sa mga protesta sa EDSA noong 2001 at mga nagmartsa patungong Mendiola upang patindihin ang panawagang pagpapatalsik. Bago pa man ito, marami na ring kabataan ang sumasali sa mga papalaking pagkilos laban sa dating rehimen.”

“Hindi rin pahuhuli ang mga kabataan at estudyante sa lungsod ng Baguio. Sa mga naunang pagkilos hanggang sa mga mismong araw ng People Power 2, libo-libong mga kabataan at estudyante sa lungsod ang lumabas sa kanilang mga paaralan at komunidad upang lumahok at makiisa sa mga protesta sa lansangan upang makapag-ambag ng lakas sa kampanyang pagpapatalsik. Pagpapatunay ito na ang nagkakaisang pwersa ng mga kabataan at ng buong mamamayan ay mabisang sandata at mapagpasyang salik para sa panlipunang pagbabago,” ayon pa kay Labay.

Siningil naman ni John Silverio Saligbon ng LFS ang rehimeng US-Arroyo dahil sa pagtataksil nito sa mga tagumpay ng People Power 2. Aniya, tinalikuran ng rehimen ang mga pangako nitong pagbabago at sa halip ay naging mas mabangis at mas pahirap pa kaysa sa pinatalsik na si Estrada. Ayon kay Saligbon, “Isang malaking taksil at walang utang na loob si Arroyo sa mga mamamayang nagluklok sa kanya sa poder. Tungkulin dapat ng rehimen ang paglingkuran ang interes ng sambayanang umaasa sa pagbabago matapos mapatalsik ang nabubulok na si Estrada. Sa katotohanan, mas naging masahol pa ang mga patakaran ni Arroyo kaysa kay Estrada.”

Tinutukoy ni Saligbon ang mga kalunos-lunos na kalagayan ng bansa sa ilalim ng rehimeng US-Arroyo tulad ng pagtaas ng presyo ng langis, matrikula at iba pang bayarin sa paaralan, batayang pangangailangan at serbisyo para sa mamamayan, mababang sahod ng mga manggagawa, mga pampulitikang pamamaslang, papalaking utang panlabas at iba pa.

Sinagot naman ni Labay ang iba’t ibang pahayag ng Malakanyang hinggil sa paglakas ng ekonomiya at pagiging lipas na ng people power. “Puro propaganda at panloloko lamang ang sinasabi ng rehimen hinggil sa pagganda ng ekonomiya at pagiging lipas ng pagkakaisa at pagkilos ng bayan. Lahat ng ito ay naglalayon lamang ilihis ang atensyon ng mamamayan sa mga tunay na problema ng masa. Ang palagiang krisis ng sistemang malakolonyal at malapyudal na nagpapahirap sa masa ang lalo pang naghihiwalay kay Arroyo sa harap ng kilusang pagpapatalsik. Sa lalong pagtindi ng mga krisis, lalo ding lalakas at dadagundong ang panawagan para sa pagpapatalsik. Malaking hamon sa sambayanan, lalo na sa mga kabataang mitsa ng pagbabago na itrasporma ang galit at disgusto nito sa rehimen sa mga papalaki at papalakas na sama-samang pagkilos na tutungo sa ibayong pagtanggal kay Arroyo sa Malakanyang. Panahon na upang bumalik muli ang mga kabataan sa lansangan upang maging pwersa ng pagbabago.”

Reference:

ANTONI KARL RIVA
Pangalawang Tagapangulo para sa Luzon, ANAKBAYAN
09286225904

No comments: