Friday, February 1

Dispersal sa rally sa Education Summit ay pagkahumali ng pulis sa karahasan

Kinokundena namin ang marahas na pagbuwag ng mga pulis sa kilos-protesta kahapon. Isinagawa ito ng mga guro at estudyante sa Maynila bilang protesta sa pagbubukas ng Education Summit. Apat na estudyante at dalawang guro ang hinuli ng mga pulis at ikinulong dahil umano sa illegal assembly. Mahigit dalawamput tatlo din ang nasaktan at nasugatan.

Patunay ng bayolenteng polisiya ng PNP at ni Gloria Arroyo ang paghahampas at paghabol sa mga umaatras at walang laban na raliyista kahapon sa Luneta Park na tinagurian pa namang ‘freedom park.’ Ito na ba ang bagong kahulugan nila ng maximum tolerance? Hindi ito malayo sa tangkang pagpigil sa martsa rin ng Anakbayan at iba pa bilang pagtutol sa oil price hike noong Martes dito sa Post Office ng Baguio.

Balat-kayo ang pagpapatawag ng Education Summit dahil naglalayon lamang itong patindihin ang komersiyalisado, kolonyal at represibong katangian ng edukasyon. Taon-taon na lang ang pagbaba ng pahalaga sa badyet ng edukasyon at walang habas na pagtaas ng matrikula at iba pang bayarin. Ganun din ang mga programa ni Gloria Arroyo kagaya ng Long Term Higher Education Development Plan, Philippine Agenda for Education Reform, Higher Education Modernization Act at ang matagal nang Education Act of 1982. Nagbigay daan ang lahat sa malayang pagtataas ng matrikula sa mga pribadong paaralan at nagpatindi ng krisis sa edukasyon.

Hindi namin mapapatawad ang patuloy na pagpapahirap sa sektor ng edukasyon sa pamamagitan ng pag-agaw sa tagumpay na nakamit ng mga estudyante noon. Tagumpay na sana ang paglalagay ng limitasyon sa pagtaas ng matrikula, pero binawi ito ni Arroyo mismo. Ipinag-utos niya na tanggalin ang “tuition cap” upang bigyang pabor ang mga kapitalista-edukador. Dagdag pa sa kasalukuyan ang patuloy na pagsusulong niya ng maanumalya, overpriced at walang katuturang Cyber Education Project.

Nararapat lamang na magkaisa ang hanay ng mga estudyante at guro, upang ipaglaban ang karapatan ng mamamayan sa edukasyon, sa lahat ng antas. Hindi kami matatakot sa itinatambang nilang karahasan.

Itigil ang pagtaas ng matrikula at iba pang babayarin!
Itaas ang badyet ng Edukasyon!
Patalsikin si Gloria!

For Reference:
Kristoffer John C. Panem
09065400895

No comments: