Monday, January 21

Itigil ang pagtas ng presyo ng langis! Patalsikin si Gloria!

Hinahambalos ng krisis ng pagtaas ng presyo ng langis ang kabuhayan ng mga kabataan at mamamayan. Sa gitna ng iba’t ibang pahayag ng Malakanyang na nagtutuloy-tuloy ang pagganda ng ekonomiya, manipestasyon lamang ang mga naturang pagtaas na inutil ang mga propaganda ng palasyo. Sa gitna ng mga pagtaas ng presyo ng langis ay patuloy na maliit ang sahod ng mga manggagawa’t magsasaka, kawani ng gobyerno, propesyunal, at maliliit na negosyante.

Nitong nakaraang mga linggo, sumambulat sa gitna ng maigting na krisis sa pulitika ng bansa ang nakababahalang pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan. Napakabilis ng pagtaas ng presyo ng krudo sa pandaigdigang pamilihan,umaabot na sa mahigit kumulang $100 kada bariles ang presyo ng langis noong Nobyembre mula $40 kada bariles noong Hulyo 2004. Tiyak ang epekto nito sa lokal na pamilihan at industriya ng langis sa bansa. Sa katunayan, apat na beses nang nagtaas ng tinatayang P1/liter per round ang gasolina at krudo at P0.50/liter naman para sa diesel; habang halos mahigit P13 average na ang itinaas ng bawat tangke ng LPG nitong nakaraang mga linggo. Tinatayang P4 sa average ang itataas pa ng presyo ng langis bawat litro hanggang noong Disyembre 2007. Ang tuluy-tuloy at sunud-sunod na oil price hike (OPH) sa bansa ay nagdudulot ng higit na pagsadsad ng kabuhayan at matinding kagutuman sa bansa. Ito ay sa kabila ng deklerasyon ng Malakanyang kaugnay sa pag-unlad ng ekonomiya.

Sinasabing ang mga pagtaas ng presyo ay bunsod ng kawalan ng supply ng langis sa daigdig. Ngunit ito ay pinapabulaanan ng Organization of Exporting Countries (OPEC) na siyang nagsusuplay ng 55% (ang pinakamalaki) ng langis sa buong mundo. May sapat na produksyon at suplay kaya hindi maaaring magkulang ang langis. Ayon mismo sa Oil Market Report na inilabas International Energy Agency (IEA) noong nakaraang taon, nasa 81.9 milyong bariles kada araw (mbd) ang pandaigdigang pangangailangan habang umakyat sa 84.6 mbd ang produksyon o suplay sa langis noong ikalawang kwarto ng taong 2006. Gayundin, tinatayang nasa 1.3 trilyong bariles ang reserbang langis sa mundo, na sasapat upang matugunan ang pangangailangan sa loob ng 42 taon batay sa kasalukuyang antas ng konsumo.

Isa pang sinasabing dahilan ng pagtaas ng presyo ng langis ay ang patuloy na ispekulasyon sa merkado at pagmamanipula sa presyo ng langis. Tinatayang umaabot sa $15 kada bariles ang nadadagdag dahil lamang sa ispekulasyon.Kung susuriin, makikita na ang tuluy-tuloy na pagtaas ng langis ay ayon sa dikta ng mga monopoly kapitalista sa langis. Ito ay sa kadahilanang nangyayari ito dahil nakapagdidikta ng presyo ang mga monopolyo kapitalista sa langis – ang mga dambuhalang kompanya o mga transnational corporations (TNCs)-- sa pangunguna ng Exxon Mobil (US), British Petroleum (UK), Royal Dutch Shell (UK-Netherlands), Chevron Texaco (US) at Total (France). Ang mga nasabing kumpanya ay pawing mula sa US at Europa at kumikilos bilang kartel. Ibig sabihin, monopolisado nila ang produksyon ng langis sa buong mundo, kasama na ang refi nery at marketing – mula sa oil fi elds, tankers, barges, depot, refi nery, retailers, tank trucks, pati advertising companies. Kaya naman kaya nilang imanipula ang suplay ng langis at hilahin pataas ang presyo nito. Noong 2006, ang Exxon Mobil ay tumubo ng $25.3 bilyon-- ang pinakamalaking tubo na naitala sa kasaysayan ng lahat ng TNCs sa buong mundo!


Sa gitna ng mga ganitong katotohanan ay patuloy parin ang walang habas na pagtaas ng mga produktong petrolyo sa bansa na kontrolado ng kartel sa langis ng tatlong pinakamalalaking kumpanya ng langis – Ang Shell, Caltex, at Petron – na may kanya-kanyang Parent Company sa ibang bansa. Lubhang nakaasa ang Pilipinas sa pag-import ng langis mula sa mga dayuhang monopolyo. At dahil may monopoly sa langis, madaling gawin ang transfer pricing/overpricing. Ibig sabihin, habang dumaraan sa iba’t-ibang yugto ng produksyon at distribusyon ang mga produktong petrolyo, pinapatungan na ito ng limpak-limpak na halaga ng mga Parent Companies sa ibang bansa hanggang sa makarating ito sa mga affiliates at gasolinahan sa Pilipinas. Nangyayari na mas mataas pa tuloy ang presyo ng langis sa Pilipinas bawat litro kumpara sa US o Europa. Samantala kalakaran din ang overpricing. Hindi bababa sa tatlong buwan ang iniimbak na langis, na binili sa mas mababang presyo. Mula 2000 hanggang 2004, overpriced na ng P4.62 kada litro ang ibinebentang produktong petrolyo sa lokal na pamilihan, idagdag pa ang overpricing nila sa sumunod pang mga taon. Limpak-limpak na tubo rin ang naiuuwi sa Parent Companies hindi lamang sa pagbibenta ng langis. Maging ang mga royalties, management at service fees ay ibinabalik sa kanila ng mga affiliates.

Sa pamamagitan ng Oil Deregulation Law (ODL) ay napagsasamantalahan ng mga kumpanya ng langis, kabilang ang Big Three Companies (Caltex, Shell, Petron), ang presyo ng langis upang lalong magkamal ng supertubo. Dahil sa naturang batas, malayang makakapagtaas ng presyo ng langis ang mga kumpanya labas sa kontrol ng gobyerno. Tinanggal ng ODL ang limitasyon sa tubo ng mga kumpanya ng langis, inalis sa Energy Regulatory Board ang pag-apruba ng presyo at mga public hearings bago itaas ang presyo, at pinawi ang subsidyo ng pamahalaan sa LPG, kerosene, at diesel. Taliwas sa sinasabi ng gobyerno, lalo pang tumindi ang dominasyon ng Big Three sa pamamagitan ng deregulasyon. Sa loob lamang ng 10 taon, umabot na ng 62 rounds ang pagtaas ng presyo ng langis kumpara sa 23 rounds sa loob ng 25 taon bago maipatupad ang deregulasyon. Simula ng aprubahan ng 1996, ODL noong, tumaas na ng 535% ang presyo ng langis. Ang patuloy na pagkitig at pamamandila ng kasalukuyang rehimen sa nasabing patakaran ay nagpapakita lamang ng pakikipagsabwatan nito sa mga kumpanya ng langis at isinasangkalan ang kagalingan ng mamamayan. Ito ay makikita sa pagtatakda ng gobyerno ng 10% Reformed Value Added Tax (R-VAT) sa mga produktong petrolyo. Tinatayang P95-P105 bilyon sa isang taon ang buwis na nakukuha ng gobyerno. Kaya tuwing tumataas ang presyo, lumalaki rin ang kita ng gobyerno. Ngunit halos 80% nito ay pambayad-utang lamang, at nauuwi din sa mga dambuhalang bangko.


Ang pagtaas ng presyo ng langis ay mayroong malaking epekto sa lokal na industriya. Sa Kordilyera, maaasahan na ang mga nasabing pagbulusok paitaas ng presyo ng mga produktong petrolyo ay magtutulak sa pagtaas ng presyo ng mga produktong agrikultural mula sa kanayunan at gayundin ang mga produktong inilalako doon. Kung lalo pang tataas ang presyo ng mga gulay mula sa rehiyon bunsod ng pagtaas ng presyo ng langis, magreresulta pa ito sa higit na pagkalugi sa pamilihan dahil sa pagkatalo sa kumpetisyon laban sa mga produktong galing sa ibang bansa bunsod ng liberalisasyon sa agrikultura. Kung kaya’t lalong madodoble ang pasakit para sa mga magsasaka ng Kordilyera.


Sa mga estudyante, hindi maisasanatabi na ang mga nasabing pagtaas ay maaaring gamiting dagdag dahilan ng mga kapitalista edukador at may-ari ng eskuwelahan upang magtaas ng matrikula at iba pang bayarin sa mga paaralan at unibersidad kahit pa man noong walang mga mayor at tuloy-tuloy na pagtaas sa presyo ng langis ay nagtataas na sila ng matrikula. Mabigat din para sa mga estudyante, gayundin para sa mga ina ng tahanan, ang tuloy-tuloy na pagtaas ng Liquefied Petroleum Gas (LPG) na sa kasalukuyan ay umaabot na sa P650-P700 kada tangke.

Tumaas na sa 8.5 porsyento ang inflation rate ng bansa, wala pa man ang pagsirit ng presyo ng langis. Ngayong Nobyembre, nadagdagan ang pamasahe ng P0.50 mula sa huling P2 pagtaas nito dalawang taon na ang nakalipas. Sa bigas, mula P24.49, tumungong P30.00 kada kilo ang fancy rice, habang halos P2.50 ang itinaas ng ordinary rice. Umaabot naman sa P10 ang itinaas ng bawat kilo ng manok at 25 sentimos sa itlog ng manok. Ang bawat kilo ng bangus na dating P65 ay umabot na sa P80, habang P10 ang itinaas ng bawat kilo ng tilapia. Tumaas din ang presyo ng mga gulay dahil na rin sa paglaki ng gastos pangunahin sa transportasyon. Ayon na rin sa mga panukat (macroeconomic indicators) ng gobyerno, inaasahan ang pagbagsak ng GDP (Gross Domestic Product) sa 1.9 percentage points. Kapalit nito ang pagtaas ng infl ation rate ng 1.4 hangang sa 1.7 percentage points sa taya ng NEDA. Gayundin ang unemployment rate na nasa mahigit 12.9 porsyento na noong Abril 2005. Kaya walang ibang maidudulot ang di-mapigilang pagtaas ng presyo ng langis kundi ibayong pagbagsak ng kabuhayan ng maralitang mamamayang Pilipino. Taliwas sa mga pahayg ng gubyernong maliit na bilang ng mahirap sa bansa, nananatili paring nasa ilalim ng poverty line ang halos 80% ng mga Pilipino.

Walang natitira ngayon solusyon sa mamamayan kundi magkaisa at sama-samang laban ang patuloy na pananalansa ng pagtaas ng presyo ng langis at pagpapatupad ng ODL na nagiging batayan ng mga nasabing pagtaas. Walang dapat asahang makabuluhang pagbabago ang sambayanan sa inutil na rehimeng US-Arroyo dahil isa itong tagapamandila ng mga patakaran tulad ng deregulasyon na umaayon sa imperyalistang globalisasyon. Kung kaya’t kasabay ng mga kampanya laban sa mga naturang pagtaas ay dapat din ituon sa pambansang kampanya at pagkilos upang tuluyan ng patalsikin ang papet, pasista, at pahirap sa masang rehimeng US-Arroyo.

ITIGIL ANG PAGTAAS NG PRESYO NG LANGIS!
IBASURA ANG OIL DEREGULATION LAW!
ITAGUYOD ANG PAMBANSANG INDUSTRIYALISASYON, ISABANSA ANG INDUSTRIYA NG LANGIS!
PAHIRAP SA MASA, PATALSIKIN SI GLORIA!

No comments: